China tinalo ang Pilipinas sa hosting rights sa FIBA world cup sa 2019
Sa China iginawad ng FIBA ang hosting rights para sa 2019 FIBA World Cup.
Kanina ay naglahad ang mga kinatawan ng dalawng bansa kung bakit sila ang dapat na mapili bilang host ng FIBA World Cup at matapos madinig ang presentasyon ay nagpasya ang FIBA central board na sa China ibigay ang hosting rights.
Ang presentasyon ng China ay sumentro sa paglalahad ng kanilang kakayahan na mag-host ng malalaking event dahil sa teknolohiya at magandang transportasyon.
Ayon sa China, sa walong lungsod nila idaraos ang mga laban sa 2019 FIBA Worold Cup kabilang dito ang Beijing, Shanghai, Shenzhen, Guangzhou, Suzhou, Foshan, Wuhan, at Donguan.
Iniyabang pa ng China sa kanilang presentation ang magaganda nilang infrastructures at modernong transportasyon. Kasama sa delegasyon ng China para sa nasabing presentation na ginanap sa Japan ang dating NBA star na si Yao Ming.
Ang 20 minutong presentation ng Pilipinas ay naging emosyonal. Sa kaniyang pahayag sinabi ng Holywood Actor na si Lou Diamond Phillips na “authentic” ang pagmamahal ng mga Pilipino sa basketball. “The love (for) basketball by Filipinos is authentic, it’s something you cannot manufacture,” ayon kay Phillips.
Ang dating coach naman ng national team ng Pilipinas na si Chot Reyes, sinabing kung mabibigyan sana ng pagkakataon ang Pilipinas na mag-host ng FIBA World Cup ay makikita ng buong mundo ang matinding pagmamahal ng mga Pinoy sa larong basketball. Ayon kay Reyes, ang Pilipinas ang tunay na tahanan ng basketball.
Kasama din sa delegasyon ng Pilipinas si World Boxing at People’s Champ na si Manny Pacquiao, at ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan.
Ang mga binanggit namang venue ng Philippine delegation na pagdarausan sana ng mga laro ay ang Philippine Arena sa Bulacan, ang Mall of Asia Arena, ang Seaside City Arena sa Cebu, at ang Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang presentation nagkaroon pa ng 2nd phase ng proseso ng pagpili. Nagkaroon ng question and answer sa pagitan ng FIBA board at ng delegasyon ng China at Pilipinas. Para sa Pilipinas, nagsilbing consultant sa question and answer sina Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario, Tourism Sec. Mon Jimenez at Senator Sonny Angara.
Habang nagbibigay ng presentation ang Philippine team, muli namang napatunayan ang pagiging social media capital ng Pilipinas matapos na mag-trend sa buong mundo ang #PUSO2019./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.