Malakas na hanging dala ng bagyong Hanna nararanasan na sa Batanes
Nagkansela na ng flight ang PAL Express patungo sa lalawigan ng Batanes dahil sa sama ng panahon na dulot ng bagyong Hanna.
Ayon kay Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Jessica Salamagos nagsimula na ang malakas na hanging sa lalawigan at makulimlim na rin ang kalangitan.
Dahil dito, naghanda na aniya ng mga relief goods ang lokal na pamahalaan sakaling may mga maapektuhang residente, bagaman ayon kay Salamagos, hindi pa sila nagpapatupad ng pre-emptive evacuation.
Sa latest bulletin mula Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyong Hanna sa 395 km East Northeast ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 165 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 200 kilometers kada oras. Nananatiling West Northwest ang direksyon nito sa bilis na 20 kilometers kada oras.
Nakataas pa rin ang public storm warning signal number 2 lalawigan ng Batanes, kabilang ang Itbayat. Ayon sa PAGASA, ang Batanes ay nakararanas ng 61 hanggang 120 kilometers kada oras na lakas ng hangin sa susunod na 24-oras.
Inaasahan ding aabot ng hanggang sa 14 meters ang taas ng alon sa mga baybaying dagat sa Batanes.
Signal number 1 naman ang nakataas pa rin sa Calayan at Bauyan Group of Islands at Northern Cagayan. Ayon sa PAGASA ang nasabing mga lugar ay makararanas naman ng 30 hanggang 60 kilometers kada oras na lakas ng hanging sa susunod na 36 na oras./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.