Muling pagtitipon ng mga anti-Marcos sa EDSA, naging mapayapa
Muling nagtipun-tipon ang mga biktima ng martial law at kanilang mga kaanak, mga kabataan at mga anti-Marcos, wala pang isang linggo matapos ang matagumpay nilang pagtitipon sa “Black Friday” protest.
Kung sa Luneta Park sa Maynila ginanap ang huli nilang malaking pagtitipon, kahapon ay sa EDSA People Power Monument naman nila isinagawa ang protestang tinaguriang “Siklab Bayan.”
Layon pa rin ng kanilang pagtitipon ang mag-protesta laban sa biglaan at palihim na paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
Ayon sa Quezon City Police District, pumalo na sa 3,000 ang bilang ng mga dumalo noong alas-5:00 ng hapon, pero marami pa ang mga dumagsa at nadagdag sa mga nauna nang naroon.
Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) spokersperson Chief Insp. Kim Molitas, naging mapayapa ang kabuuan ng protesta na may programang nagsimula ng alas-4:00 ng hapon.
Bukod sa Black Friday protest noong nakaraang linggo, una na ring nagsagawa ng protesta ang ilang mga anti-Marcos sa mismong araw din kung kailan ito biglang inilibing sa LNMB noong November 18.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.