Alvarez: Mga Senador at Kongresista hindi mag-aaway ng dahil lamang kay De Lima
Pinawi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pangamba na magkakaroon ng congressional crisis sa pagitan ng Senado at Kamara nang dahil kay Senadora Leila de Lima.
Kahapon, dinala na ng House leaders sa Mataas na Kapulungan ang show cause order laban kay de Lima, kaugnay sa umano’y pagpigil nito sa dating driver at lover na si Ronnie Dayan na dumalo sa Bilibid probe ng House Justice Panel.
Ayon kay Alvarez, hindi mauuwi sa banggaan o iringan ang dalawang Kapulungan ng Kongreso nang dahil lamang kay de Lima.
Maliban dito, tiniyak na Alvarez na siya mismo ay ayaw na mangyari ang scenario na may head-on sa pagitan ng Senado at Kamara.
Sinabi pa ng lider ng Kamara na hindi ganoong kabigat ang personalidad na sangkot para magkaroon ng congressional crisis bukod pa sa nag-uusap naman ang mga lider ng dalawang kapulungan.
Pero iginiit ni Alvarez na kailangan ni De Lima na tumalima sa show cause order o magpaliwanag lalo’t hindi umano ginalang at sa katunayan ay binastos pa raw ng senadora ang Justice Committee na nag-isyu ng subpoena kay Dayan upang dumalo sa pagdinig ng lupon.
Payo na lamang ni Alvarez kay De Lima, harapin ang katotohanan at maging tapat sa sambayanan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.