1 senador, 5 kongresista at 1 cabinet member kinasuhan sa Ombudsman kaugnay ng pork barrel scam
(Updated) Isinampa na sa Office of the Ombudsman ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ikatlong batch ng kaso laban sa mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa PDAF Scam.
Umabot sa 40 katao ang kinasuhan kabilang ang isang senador, pitong kasalukuyan at dating mga kongresista, at isang miyembro ng gabinete.
Sa Executive Summary ng reklamo, nakitaan umano ng sapat na ebidensya ng NBI para ireklamo sa Ombudsman ng kasong malversation, direct bribery at paglabag sa graft and corrupt practices act ang mga sumusunod:
– Senador Gregorio Honasan
– TESDA Director General at dating CIBAC Partylist Rep. Joel Villanueva
– Manila Rep. Amado Bagatsing
– Dating Abono Party list Rep. Conrado Estrella III
– Dating Abono Partylist Raymund Estrella
– Dating La Union Rep Manuel Ortega
– Kasalukuyang La Union Rep. Victor Francisco Ortega
– Dating Zamboanga Del Sur Rep Isidro Real Jr
– Cagayan De Oro Rep Rufus Rodriguez
Sa isinagawang imbestigasyon ng NBI, ang mga nasabing indibidwal ay nakatanggap umano ng sumusunod na halaga ng kickback mula kay Janet Napoles:
– Honasan – P1, 750, 000
– Villanueva – P2,330,000.00
– Bagatsing – P600,000
– Conrado Estrella – P45,030,000
– Robert Raymund Estrella – P22,675,000
– Manuel Ortega – P14,350,000
– Victor Ortega – P9,587,500
– Isidro Real – P3,250,000
– Rodriguez – P2,099,000
Ayon pa sa NBI, ang mga nasabing kasalukuyan at dating mambabatas ay posibleng nakagawa ng malversation of public fund through negligence.
Inirekomenda ng NBI sa Ombudsman na ang mga nabanggit na pangalan ay maisalang sa fact finding investigation o sa preliminary investigation para matukoy kung may probable cause para sila ay sampahan ng kaso sa Sandiganbayan.
Kasama rin sa reklamo ng NBI si Janet Napoles, pati na ang mga staff ng mga mambabatas na umakto nilang kinatawan sa pakikipagtransaksyon kay Napoles, gayundin ang mga presidente ng NGO na kunektado kay Napoles partikular na ang Countrywide Agri and Rural Economic and Devt Foundation at Philippine Social Development Foundation.
Inireklamo rin maging ang mga pinuno ng mga ahensya ng gobyerno na National Agri-Business Corp. (NABCOR), Technology Resource Center (TRC) at National Livelihood Development Coporation (NLDC) na ginamit para maisakatuparan ang PDAF scam operations.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Bagatsing na nagtataka siya kung bakit isinama pa rin siya sa pakakasuhan gayong humingi na ng paumanhin noon si Janet Lim-Napoles at itinangging siya ay sangkot sa naturang scam.
Ayon kay Bagatsing, malinaw niyang napatunayan na pawing peke ang mga dokumentong nagsasangkot sa kanya. Isa sa inihalimbawa ni Bagatsing ang mga endorsement letters na nasa plain coupon bond lamang at walang letter head.
Sa mga mambatatas na isinangkot sa pork barrel scam, tanging si Bagatsing lamang ang nagsampa ng perjury case laban kay Napoles.
Ayon naman kay Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez, dudulog siya sa Korte Suprema hinggil sa hakbang ng DOJ, lalo’t hindi raw siya nabigyan ng due process.
Ani Rodriguez, sana raw ay kinuha muna ni Justice Secretary Leila de Lima ang kanyang panig at para napatunayan niyang siya ay inosente.
Giit ni Rodriguez, mula noong nasabit ang kanyang pangalan sa PDAF scandal ay nakahanda siyang humarap at sagutin ang isyu.
Binigyang-diin ng mambabatas ma hindi niya kailanman nakita o naka-transaksyon si Napoles o kahit sino sa mga tauhan nito na may kaugnayan sa pagpopondo sa mga pekeng NGOs./ Ricky Brozas, Isa Avendaño-Umali, Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.