50 antique paintings ni Fernando Amorsolo, naisalba sa nasunog na ancestral home ng pamilya Juico sa QC
(UPDATE) Aabot sa humigit-kumulang limapung antique na paintings ng tanyag na artist na si Fernando Amorsolo ang naisalba sa nasunog na ancestral home sa Barangay Paraiso sa Quezon City.
Nagsimula ang sunog alas 9:34 ng umaga sa ancestral home sa number 134 Roosevelt Avenue, Barangay Paraiso, na pag-aari ni dating DAR Secretary Philip Juico at dating PCSO Chairperson Margie Juico.
Wala nang nakatira sa bahay at tanging mga caretaker na lamang ang naroroon nang maganap ang sunog.
Ayon sa mga bumbero, sa Chappel ng bahay nasimula ang apoy sa ikalawang palapag. Iyon ay katabi lamang ng Masters bedroom.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa kahoy at luma na ang bahay.
Habang inaapula ng mga bumbero ang apoy, isang nagpakilalang Jenny Juico ang dumating sa bahay para tiyakin na hindi nasunog at hindi nabasa ang mga antique na paintings na nasa loob ng bahay.
Ayon kay Juico, 1957 pa ang mga paintings ni Fernando Amorsolo na nasa loob ng nasabing ancestral home.
Naibenta na umano ang bahay sa San Jose Builders at gagawin itong Las Casas De Juico o isang National Heritage Site.
Ang national artist umano na si Pablo Antonio ang nagdisenyo ng bahay.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang fire out alas 10:37 ng umaga.
Sa pagtaya ng mga pamatay-sunog ay humigit-kumulang 500 libong piso ang pinsala ng sunog kung ang pagbabasehan ay ang structural value.
Ang nasunog na bahay ay ancestral home umano ng pamilya Juico | @RickyBrozas pic.twitter.com/GFS7aVfKc5
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) November 28, 2016
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.