‘Vigilante killings’ ikinababahala na ng ilang Metro Mayors
Ipinarating na ng ilang mga Metro Mayors sa Department of the Interior and Local government ang kanilang pagkabahala sa lumulobong bilang ng mga kaso ng mga extrajudicial killing gabi-gabi sa Kalakhang Maynila.
Sa naganap na Metro Manila Council meeting kahapon, inihayag ni Pateros Mayor Miguel Ponce III ang mataas na insidente ng mga ‘vigilante killings’ sa kanyang lugar.
Aniya, simula noong July, umabot na sa 37 ang bilang ng mga napapatay na mga umano’y mga drug personalities sa kanyang bayan ng mga armadong suspek na pawing mga nakamotorsiklo at naka-bonnet.
Ang malungkot aniya dito, wala ni isa man sa mga salarin na sangkot sa mga pagpatay ang nahuli o nakasuhan na ng mga otoridad.
Karamihan aniya sa mga biktima ay mga nagsisuko na sa ilalim ng ‘Oplan Tokhang’.
Dahil aniya dito, bumagsak na ang bilang ng mga drug surrenderees sa pangambang ma-identify sila at targetin ng mga vigilante groups.
Bilang katunayan, sa kanilang Zumba class na bahagi ng drug rehab program sa mga surrenderees, mula sa dati na 300, ay sampu na lamang ang dumadalo sa kasalukuyan.
Ganito rin ang sentimiyento ni Mandaluyong City Mayor Carmelita Abalos na ipinarating kay Secretary Sueno.
Hindi na rin aniya lumalantad ang mga surenderers sa kanilang lungsod sa pangambang mapatay din ng mga armadong grupo.
Samantala, ayon naman kay DILG Secretary Sueno, ‘isolated’ lamang sa iilang lugar ang mga kaso ng mga pagpatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.