Tuluyan nang naipatapon palabas ang suspected Chinese crime lord na si Wang Bo.
Ito ang kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima matapos maipalabas ang deportation order laban sa nasabing dayuhan.
Ayon kay De Lima, alas 8:43 ng umaga kanina nang isakay sa eroplano si Wang Bo patungo sa Guangzhou, China.
Hinatid si Wang Bo ng mga ahente ng Bureau of Immigration hanggang sa eroplano para matiyak na nakasakay ito.
Si Wang ay naging kontrobersyal matapos na hindi ito ipatapon agad palabas ng bansa ng BI sa kabila ng pagiging wanted nito sa China dahil sa pagkakasangkot sa krimen.
Naging malaking isyu din sa pamunuan ng Immigration ang sinasabing pagtanggap ng mga opisyal nito ng suhol mula kay Wang para lamang hindi ito pabalik ng China at makapanatili pa dito sa Pilipinas.
Nakarating pa sa House of Representatives ang imbestigasyon hinggil sa panunuhol umano ni Wang.
Si Wang ikinulong sa BI Jail sa Taguig City sa panahon ng kaniyang pananatili sa bansa mula noong February 10. / Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.