2 natagpuang patay sa magkahiwalay na insidente sa Maynila at Parañaque City
Sa kabila na may balot ng packaging ang mukha, nakilala ni Ivy Disyerto na ang nawawala niyang asawa ang natagpuan na wala ng buhay sa ibabaw ng Delpan bridge sa Maynila.
Ayon kay Aling Ivy, nakilala niya ang asawa na si Rene Disyerto, 39 sa pamamagitan ng suot na jersey at pulang short.
Sa kwento pa ni Aling Ivy, Sabado ng gabi nang ihatid siya ng kanyang asawa sa trabaho sa Makati, pero ng pag-uwi nito sa bahay nila sa Brgy. 17, Delpan, Tondo linggo ng madaling araw ay inukot ang kanyang asawa ng tatlong riding in tandem.
At kaninang madaling araw lang niya nakita ang asawa na wala ng buhay at may balot pa ng packaging tape ang mukha habang may karatula sa tabi na may nakasulat na “Pusher, wag tularan”.
Sa bulsa ng biktima ay may nakuhang limang maliit na plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu.
Mariin namang itinaggi ni Aling Ivy na pusher ang kanyang asawa at mabuting tao umano si Rene Disyerto.
Samantala, dead on the spot ang isang barker matapos pagbabarilin pasado 11:30 kagabi sa kahabaan ng M. Roxas St., kanto ng Quirino Avenue sa Baclaran lungsod ng Paranaque.
Nakilala ang biktima sa alyas na Victor, 30 yrs old at barker ng pampasaherong jeep sa lugar.
Ayon sa mga nakasaksi sa pamamaril, pitong sunod-sunod na putok ng baril ang kanilang narinig mula sa tatlong riding in tandem na agad tumakas matapos ang insidente.
Tinamaan naman ang isang bystander sa kanang hita na nakilalang si Jomel Ansano, 24 years old at residente ng Saint Andrew St., Barangay 179 Maricaban Pasay City.
Agad na itinakbo ng Barangay Ambulance ang biktima sa Pasay General Hospital na nilapatan ng agarang lunas.
Napag-alaman na gumagamit ng ipinagbabawal na droga ang biktimang si Victor na posibleng sanhi ng pagkakasawi nito.
Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng baril.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.