Nakiisa na si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa mga panawagan sa Korte Suprema na alisin na ang temporary restraining order (TRO) sa mga contraceptive implants.
Ayon kay Ramos, matagal na siyang sumusuporta sa pagsusulong ng reproductive health (RH) law, kaya naman nakiisa na rin siya sa Department of Health (DOH) at Commission on Population (POPCOM) na alisin na ang TRO.
Paliwanag ni Ramos, base sa personal na karanasan ang kaniyang pagsuporta dito, dahil pawang binubuo ng malalaking pamilya ang magkabilang panig ng kaniyang ina at ama.
Ayon naman kay POPCOM executive director Juan Antonio Perez III na mahalagang maialis na ang TRO upang maipatupad na nang buo ang RH Law of 2012.
Ito aniya ay dahil sa panganib na dala ng dumaraming bilang ng teenage pregnancies.
Sa ngayon aniya ay may 209,000 na kaso ng teen pregnancies sa bansa na katumbas ng nasa 500 araw-araw.
Babala pa ni Perez, maari pang lumala ang nasabing sitwasyon sakaling hindi pa maialis ang TRO pagdating ng 2018.
Dagdag pa ni Perez, pagdating ng 2018, 90 percent ng mga contraceptive brands ay mawawala na sa merkado at mag-eexpire na rin ang nasa P248 milyong halaga ng hormonal contraceptives.
Kapag nangyari aniya ito, mas kakaunti ang mga modern contraceptives at mababawasan ng pagpipilian ang mga mangangailangan nito.
Kabilang sa mga sinasabi ni Perez na malapit nang mag-expire ay ang mga subdermal implants na ngayon ay nakaimbak sa mga warehouse ng DOH.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.