Makabayan bloc sa Kamara walang balak abandonahin si Duterte
Mananatili ang mga miyembro ng Makabayan Bloc sa alyansa sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y sa kabila ng mariing pagsalungat ng Makabayan sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ang mga miyembro ng Makabayan ay ang partylists na Bayanmuna, Gabriela, ACT Teachers, Kabataan, at Anakpawis.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Emmie De Jesus, hindi hihiwalay ang Makabayan kay Presidente Duterte kahit pa magkaiba ang posisyon nila sa Marcos burial.
Dagdag ni De Jesus, patuloy nilang susuportahan ang mga pro-people policies ng pangulo at administrasyon nito.
Kabilang aniya sa malakas na kakatigan ng Makabayan ay ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF, repormang pang-ekonomiya at independent foreign policy.
Nilinaw din ni De Jesus bagaman kaalyado sila ng pangulo ay magiging malaya sila sa pagsalungat at pagbatikos lalo kung mali ang pasya o ginagawa ng punong ehekutibo.
Bukod sa Marcos burial, kasama sa sinasalungat ng Makabayan bloc ay ang Bataan Nuclear Power Plant revival at pananatili ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.