Ihahaing mosyon laban sa pasikretong Marcos burial, mababasura lang ayon kay House Deputy Speaker Castro
Wala nang patutunguhan ang anumang mosyon na ihahain sa Korte Suprema laban sa pagsikretong libing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani o LNMB noong Biyernes.
Paliwanag ni House Deputy Speaker Fredenil Castro, napakahirap na para sa Mataas na Hukuman na baligtarin ang naging desisyon nito, na pumapabor sa Marcos burial sa LNMB.
Maging ang pag-exhume o paghukay muli sa bangkay ng diktador na pangulo ay malabo.
Katwiran ni Castro, na isang abogado, bago magawa ang pag-exhume ay kakailanganing baguhin ng Supreme Court ang desisyon nito, na imposible na aniya mangyari.
Naniniwala pa si Castro na mababasura rin ang pagpapa-contempt sa umano’y nakatuwang ng pamilya Marcos upang maisakatuparan ang Marcos burial.
Maaari aniyang idahilan ng mga tumulong sa mga Marcos na ‘honest mistake of the law’ ang nangyari, dahil sa pag-aakalang pinal na ang SC ruling.
Sa makatuwid, sinabi ni Castro na wala na talagang sagabal sa Marcos burial at kung tutuusin ay noon pa ma’y uubra nang mailibing sa LNMB ang dating presidente.
Ngayong araw, inaasahang isasampa ng mga anti-Marcos sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman ang omnibus motion, kalakip ang moition exhumation kontra sa tinaguriang nakakagulantang na Marcos burial.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.