Balik na sa normal ang operasyon ng Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City ngayong umaga.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), natapos na ang pagsasaayos sa bahagi ng runway ng paliparan na nagkaroon ng ‘asphalt damage’ kaya inalis na ang umiiral na Notice to Airmen (NOTAM) sa airport.
Sinabi ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio na nabakbak ang aspalto sa initial approach ng runway kung saan unang lumalapag ang mga gulong ng mga eroplano.
Kaagad ipinag-utos ng CAAP ang emergency closure ng paliparan dahil sa peligro na dulot sakaling magtalsikan ang ilang bahagi o fragments ng aspalto lalo kung pumasok ito sa makina ng eruplano.
Isinara ang Tacloban Airport mula alas 2:00 ng hapon kahapon, matapos makita ang sira sa runway . Ayon sa CAAP, hindi magiging ligtas para sa mga eroplano na gamitin ang runway kaya kinailangan itong ayusin.
Dahil sa nasabing pagsasara ng paliparan, naapektuhan ang mga biyahe ng PAL Express, Cebu Pacific at Air Asia.
Sumailalim na sa repair at resurfacing ang runway ng Tacloban Airport, noong Setyembre 2014 at pinakahuling pagsasaayos dito ay noong buwan ng Abril kung saan nilimitahan ang operasyon ng airport sa mga maliliit na eroplano lamang./ Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.