Pekeng pabrika ng sigarilyo sa Pampanga, ipinasara
Isinara na ng pulisya at lokal na pamahalaan ng Pampanga ang hinihinalang iligal na pagawaan ng mga samu’t saring brands ng sigarilyo sa Brgy. San Isidro kahapon.
Base sa mga nasabat na materyal at kagamitan sa pabrika na pag-aari ng isang Mark Bryan Chan, gumagawa umano ito ng mga brand ng sigarilyo na Marlboro, Camel, Fortune, Mighty, More at Marvel.
Ayon sa kapitan ng barangay na si Lito Manalansan, binili ni Chan ang ari-arian na ito noong Pebrero at saka nag-apply ng permit para magpatakbo ng isang feed mill noong Setyembre.
Ayon naman kay Mayor Mylyn Pineda-Cayabyab, na-isyuhan ng permit si Chan ngunit isang gilingan lang ng mais ang nakita umano nina Manalansan noong October 29.
Hinala ni Pampanga police director Senior Supt. Joel Consulta, wala pang isang buwan na tumatakbo ang nasabing pasilidad.
Wala naman sina Chan at ang kaniyang mga trabahador nang magsagawa ng paghahalughog ang pulisya.
Pinapunta rin sa site ang mga kinatawan ng mga kumpanya ng sigarilyo upang inspeksyunin at tukuyin kung peke ang mga ito.
Nakalagay naman ang mga ito sa malalaking kahon na may taglay na importation markings, at nakitaan rin ng Bureau of Internal Revenue tax seals ang ilan sa mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.