Insidente na naganap sa Bilibid noong Sept. 28 na ikinasawi ni Tony Co, hindi riot ayon sa PNP
Kinumpirma ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG na batay sa kanilang findings, walang riot na nangyari sa New Bilibid Prisons o NBP noong September 28, 2016 kundi stabbing incidents lamang.
Sa pagdinig ng House Sub-committee on Correctional Reforms, lumutang din na bigo pa ring makapagsampa ng kaso ang mga otoridad laban sa mga sangkot sa naganap na gulo sa loob sa NBP.
Lumabas sa imbestigasyon na si Clarence Donggail ang nakapatay kay Tony Co at ikinasugat nina Peter Co at Vicente Sy.
Si Thomas Donina naman ang umatake kay Sebastian, para raw mapigilang tumestigo sa Bilibid Probe sa Kamara laban kay Senadora Leila de Lima.
Nabisto rin na mayroon pang ilegal na droga sa loob ng Building 14 noong naganap ang stabbing sa Bilibid.
Tinanong naman ni BayanMuna Party List Rep. Carlos Zarate kung may kaso na bang naisampa laban sa mga suspek sa pananaksak na ikinamatay ni Tony Co at ikinasugat ni Jaybee Sebastian at iba pang high-profile inmates.
Pero ayon kay Supt. Francisco Ebreo ng CIDG, inirekumenda nila na ang National Bureau of Investigation o NBI ang magsampa ng kaso laban sa mga suspek sa stabbing incidents.
Katwiran ni Ebreo, ang trabaho lamang nila ay fact finding at tukuyin kung sino ang may criminal at adminustrative liability.
Gayunman, binatikos ito ni House Deputy Speaker Fred Castro dahil mistulang paikot-ikot daw ang gustong proseso ng CIDG.
Giit ni Castro, ang CIDG ang nararapat na magsampa ng kaso dahil sila ang nagsiyasat sa insidente sa Bilibid.
Subalit sa paliwanag ni PNP Director Benjamin Magalong, tama at regular ang proseso ng CIDG.
Fact finding din daw ang mandato ng CIDG, at sa katunayan ay ganito rin ang ginawa noong imbestigasyon sa Mamasapano encounter.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.