Humigit kumulang 1,000 pamilya ang naapektuhan matapos tupukin ng apoy ang nasa 500 kabahayan sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Officer-in-charge C/Supt. Bobby Baruelo, base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Alex Naga, sa Blk. 35 ng naturang barangay.
Nagsimula ang sunog 7:55 ng gabi, at agad na iniakyat ang alert level sa general alarm matapos ang halos dalawang oras, 9:45 ng gabi.
Idineklara naman ng BFP na under control na ang sunog ganap na 12:30 ng hatinggabi.
Paliwanag ni Baruelo, naging mabilis ang pagkalat ng sunog dahil karamihan sa mga natupok na kabahayan ay pawang gawa sa mga light materials lalo’t lugar ng mga informal settlers ang pinangyarihan ng sunog.
Sa ngayon ay wala pang naitalang halaga ng mga nasirang istruktura, at patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang kabuuan ng mga pangyayari.
Napapaligiran naman ng mga nasunog na bahay ang Maritime Communications Office ng Philippine Coast Guard.
Ayon kay Commodore Ferdinand Velasco, wala pa naman silang naitatalang pinsala sa kanilang pasilidad, pero kumpyansa siya na wala namang naging malaking epekto ang sunog sa kanilang opisina. Posible lang aniya na nag-init lang ang kanilang tower pero sakali man ay minor damage lang ito.
Ayon naman kay Jimmy Isidro ng Mandaluyong City Public Information Office, nadamay rin sa sunog ang kanilang ipinagawang basketball court at dalawang multi-purpose hall.
Dinala naman ang mga nasunugan sa dalawang malalapit na paaralan, kabilang na ang Andres Bonifacio Integrated School, kung saan sila maaring pansamantalang mamalagi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.