Mga kilos protesta laban sa hero’s burial ni dating Pangulong Marcos, welcome sa Palasyo
Malugod na tinatanggap ng Malacañang ang anumang kilos protesta laban sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, welcome sa Palasyo ang nasabing hakbang basta hindi ito magdudulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko at abala sa publiko.
Ipapatupad pa rin aniya ng pulisya ang maximum tolerance pagdating sa pakikitungo sa mga magsasagawa ng kilos protesta.
Sinabi ni Andanar na papabayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nagsasagawa ng protesta dahil lahat aniya ng tao ay may freedom of speech.
Kamakailan ay naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagpapahintulot sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Dahil dito, patuloy na nagsasagawa ng mga kilos protesta ang mga tutol sa nasabing hakbang sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Samantala, inihayag ng Malacañang na walang pang petsa ang hero’s burial pero posibleng isagawa ito ngayong taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.