Lacson, nais gawing testigo si Kerwin Espinosa sa Senado
Nais ni Sen. Panfilo Lacson na mahingi ang testimonya ng hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa, upang malaman ang tunay na motibo sa pagkamatay ng kaniyang ama na si Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Aminado si Lacson na matapos ang ilang oras na pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, hindi pa rin nila mabuo ang katotohanan kung bakit napatay ng mga pulis sina Espinosa at kapwa niya inmate na si Raul Yap.
Kaya naman naniniwala si Lacson na si Kerwin ang isa sa makapagbibigay ng kaliwanagan sa pagkamatay ng kaniyang ama.
Ayon kay Lacson, si Kerwin ang “be-all and end-all” at central figure pagdating sa nasabing usapin.
Kapag aniya dumating si Kerwin dito sa bansa mula sa Abu Dhabi kung saan siya naaresto at nakakulong ngayon, mainam na mahingan nila ito ng testimonya tungkol sa kaniyang mga nalalaman.
Si Kerwin lang kasi ani Lacson ang tanging makakatukoy sa kung sinu-sino talaga ang mga nilalaman ng nasabing “blue book” ng nasawing alkalde.
Hindi pa alam ni Lacson kung paano maipapatawag sa kanilang imbestigasyon si Kerwin oras na siya’y makabalik sa bansa, pero handa naman aniya nila itong gawan ng paraan.
Sakaling mapayagan si Kerwin na humarap sa imbestigasyon ng Senado, tatanungin niya ito na tukuyin ang lahat ng mga personalidad na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.