4 na antidrug cops, idineklarang persona non-grata ng mga mayors ng S. Cotabato
Idineklara ng mga alkalde sa lalawigan ng South Cotabato bilang persona non grata ang apat na opisyal ng pulisya na namuno sa paghahain ng 18 search warrants na may kaugnayan sa antidrug operation na isinagawa laban kay Banga Mayor Albert Palencia noong nakaraang linggo.
Ayon kay Tupi Mayor Reynaldo Tamayo Jr. na pangulo ng League of Municipalities of the Philippines-South Cotabato chapter, dismayado sila sa kung paano isinagawa ang nasabing operasyon.
Kumbinsido rin aniya ang mga kasamahan nilang alkalde na hindi pag-aari ni Palencia ang mga bala at rifle grenade na natagpuan umano ng raiding team sa tahanan at pig farm ng alkalde.
Dahil dito, nagkaisa ang 10 alkalde ng South Cotabato sa isang resolusyon na nagdedeklara ng persona non grata kina Supt. Maximo Sebastian na hepe ng regional Anti-Illegal Drug Special Operations Task Force, at ang mga kasapi ng raiding team na sina Senior Insp. Philander Alunday, Senior Insp. Michael Elopre at Insp. Ryan Osmar Hassiman.
Nilinaw naman ni Tamayo na hindi sila kontra sa mga anti-drug operations ngunit kailangan aniya itong isagawa alinsunod sa batas at hindi dapat nalalabag ang karapatan ng mga indibidwal.
Gayunman, dumipensa naman si regional police information chief Supt. Romeo Galgo at iginiit na isinagawa naman ang naturang operasyon nang may transparency at alinsunod sa police operations manual.
Hindi naman aniya mapahihinto ng nasabing deklarasyon ang Philippine National Police sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin.
Giit pa niya, ipinatutupad lamang nila ang mga search warrants alinsunod sa direktiba ng korte.
Naganap ang operasyon noong November 3, dakong alas-3 ng madaling araw sa compound ni Palencia sa Brgy. Punong Grande.
Nagising na lang umano si Palencia sa ingay ng paghalughog ng raiding team sa kaniyang compound, kung saan nadiskubre umano ng mga pulis ang apat na bala ng .380 pistol at isang grenade launcher, pero walang iligal na droga.
Mariin namang itinanggi ni Palencia na sangkot siya sa iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.