Pacquiao todo-puri ng mga kapwa senador at taumbayan
Binati ng mga kapwa niya Senador si Pambansang Kamao at Sen. Manny Pacquiao sa kaniyang panalo laban sa Mexican boxer na si Jessie Vargas.
Sa ngalan ng buong Senado, binati ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III si Pacquiao sa muli nitong pagbibigay karangalan sa bansa matapos mag-tagumpay sa kaniyang laban.
Ayon sa pahayag na inilabas ni Pimentel, pinuri niya ang katangian ni Pacquiao na hindi sumusuko at laging ibinibigay ang lahat ng kaniyang makakaya, sa loob man ng ring o sa kanilang session hall.
Isa aniya talagang kampeon si Pacquiao na sumasalamin sa katangian ng mga Pilipino na hindi natatakot lumaban nang may dangal at tapang sa ngalan ng kanilang mga pamilya.
Samantala para naman kay Sen. Sonny Angara, ang pagwawagi ni Pacquiao laban sa mas nakababatang kalaban ay dapat na i-celebrate at i-cherish ng mga Pilipino.
Muli kasi aniyang ipinakita ng Pambansang Kamao sa buong mundo ang puso at determinasyon ng isang Pilipino.
Ipinakita rin aniya ni Pacquiao na walang laban na hindi kakayanin kung ang pananampalataya sa Diyos ay sasamahan ng tamang focus at disiplina.
Ayon naman kay Sen. Joel Villanueva, mala-bagyo ang dating ni Pacquiao na sa huli ay nagbigay naman ng saya at kapayapaan sa mga Pilipino, habang naniniwala naman si Sen. JV Ejercito na wala nang dapat pang patunayan ang boksingerong senador.
Kahit mga ordinaryong mga Pilipino ay todo-puri rin sa pagkapanalo ni Pacquiao sa kanyang huling laban.
Libu-libong mga nanood sa iba’t-ibang venue ang naghiyawan at nagpalakpakan habang nakikipagbakabakan sa ring ang Pambansang Kamao kahapon.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpahatid ng kanyang congratulatory message sa senador matapos itong manalo sa laban kontra Jessie Vargas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.