Pagkamatay ni Mayor Espinosa, itinuturing na “big loss” ng Malakanyang
Maituturing na “big loss” ang pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. sa imbestigasyon ng gobyerno kaugnay sa narcotics trade sa bansa ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
Tumanggi itong magbigay ng komento sa lumalabas na posibleng summary execution ang nangyari sa pagkamatay nina Espinosa at isa pang drug suspek na si Raul Yap sa loob ng Leyte Sub-Provincial Jail sa bayan ng Baybay.
Ayon kay Andanar, nasabihan na si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa insidente ngunit hindi nito maaaring ibahagi ang naging reaksyon nito.
Bago maglabas ng pahayag, sinabi ni Andanar na hihintayin muna ng Palasyo ang resulta ng magkakahiwalay na imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP).
Gayunman, ang pagkamatay ni Espinosa aniya ang makakapagpabagal ng pagdiskubre ng administrasyong Duterte sa mga kabilang sa iligal na droga.
Matatandaang kasama si Espinosa at ang anak nito na si Kerwin sa mga pinangalangang malalaking drug lords ni Duterte sa Visayas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.