Inobliga umano ang mga estudyante ng Cavite State University (CvSU) na dumalo sa isinagawang True State of the Nation Address (TSONA) ni Vice President Jejomar Binay kahapon sa Indang, Cavite.
Isang memorandum na mula kay CvSU President Divina Chavez ang ipinadala sa lahat ng College Deans ng Universidad na may petsang July 30, 2015 kung saan inoobliga ang lahat ng 3rd year at 4th year students na dumalo sa isang pagtitipon sa University Gymnasium, August 3, 2015 alas 4:00 ng hapon.
Ang kopya ng memorandum ay ipinakita ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda sa kaniyang facebook account.
Sa nasabing lugar, petsa at oras isinagawa ni Binay ang kaniyang tinawag na ‘TSONA’ kahapon kung saan inilahad nito ang aniya ay totoong sitwasyon ng bansa na hindi napasama sa huling SONA ni Pangulong Aquino.
Sa memorandum, hindi sinabing ang pagtitipon ay para sa gagawing paglalahad ni Binay ng kaniyang ‘TSONA’.
Sa halip nakasaad sa memo na isang student assembly ang magaganap. Nakalagay din sa kautusan na lahat ay obligadong dumalo. “The Central Student Government (CSG) will be sponsoring a student assembly on Aug. 3, 2015, 4:00 pm at the University Gymnasium. All 3rd and 4th year students are required to attend the said activity,” nakasaad sa memorandum ni Chavez.
Sa huling bahagi ng memo, sinabi na ang mga estudyanteng dadalo sa pagtitipon ay dapat ma-excuse sa kani-kanilang mga klase at ang CSG ay inatasan na i-check ang attendance ng mga mag-aaral.
Ang TSONA ni Binay sa Cavite ay sinalubong ng malakas na hiyawan at palakpakan./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.