“Kuwento ng mag-kapitbahay” – sa OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz
Paano nga ba tayo dapat na makitungo sa ating kapitbahay?
Paano nga ba ang tamang pakikitungo sa ating kaibigan?
Paano nga ba tayo dapat na makitungo sa ating kasama o kaalyado?
Tignan muna natin sa punto de bista sa sarili nating tinatatayuan. Ang mga tanong ko ay nakabatay sa tayo, sa ating punto de bista, sa ating perspektiba.
Sa karaniwang relasyon, bahagi ng pakikipagkapwa-tao, inaasahan na ikaw ay may maayos na relasyon sa kapitbahay mo. Kung hindi mo man talagang kalapit o “close”, inaasahan naman na hindi mo ito kaaway. Ang bigat kaya sa kalooban kung kaaway o kaalitan mo ang iyong kapitbahay. Kung inaaway ka naman ng kapitbahay mo, walang tunay na away kung hindi mo naman siya pinapatulan o tinatapatan sa galit niya.
Ang tanong kanina ay paano nga ba dapat na makitungo at ano ba ang tamang pakikitungo sa kaibigan. Sa totoong buhay, nakikipagkaibigan ka na walang inaasahang kapalit. Goodwill do not expect reciprocation. Ginagawa mo iyon dahil sa natural sa iyo. Kung ibalik ang kagandahang-loob, bonus na iyon sa pakikipag-kaibigan.
Ngunit ano nga ba ang tama? Dito papasok yung tiwala at pagmamahalan. Tatawagin mo bang kaibigan kung hindi mo minamahal o kung hindi mo mahal? At kung mahal moa ng iyong kapitbahay o iyong kaibigan, ikagagaan din ng loob mo na makitang makamit niya ang kaalwahan, kaginhawaan, kasiyahan kasama na ang katarungan at karapatan na nararapat sa kanya. Ang totoo ngang kaibigan, kung magagawa mo ito para sa kaibigan mo, gagawin mo. You will go out of your way, sabi nga, sa totoong buhay.
Ang mga Filipino ay kilala sa isang kaugalian at bagaman marami na ang nagbago sa ating mga nakasanayan ay nakagawiang kultura at tradisyon, may bakas pa rin ng bayanihan sa ating hanay sa modernong panahon. Hindi ba kapag may sunog, ang mga magkakakapitbahay ang unang-unang nagtutulungan?
May mga uri ng pagkakaibigan na ang una ay marangya at makapangyarihan samantalang ang isa ay mahirap at walang lakas. Sa ideyal na sitwasyon, ang marangya at makapangyarihan at gagawin ang kanyang makakaya para tulungan ang kaibigang dukkha at walang kalakasan, hindi upang umasa sa kanya, kundi para sa takdang panahon ay makatayo sa kanyang sariling mga paa. Kung mangyari ito, kasiyahan din ito ng kanyang kaibigang makapangyarihan at maginhawa.
Sa kuwentong alam na natin ngayon, ang isang makapangyarihan at malakas na kapitbahay na nakaalitan ay biglang naalala na ahhh—kaibigan niya nga pala ang kapitbahay na hamak at walang sapat na kakayanan. Naging mayabang siya at lalong ipinamalas ang kanyang kakayanan sa maliit at walang lakas na kapitbahay. Sa yabang nito ay halos sakupin na nga niya ang ari-ariang, sa kabila ng dukha nitong kalagayan ay pag-aari o teritoryong sakop ng kanyang maliit na kapitbahay. Inabuso niya ang kaliitan at kahinaan ng kapitbahay. Palalo!
Pinaalalahanan siya ng ibang mga nagmasid na kapitbahay, sa malayo at sa malapit na, teka,napakaliit ng kalagayan ng iyong kapitbahay para basta mo na lamang tratuhin ng ganyan. Sa katunayan, may mga namagitan dito. Hindi pa rin niya kinilala dahil, palalo nga eh!
Ngunit, kumilos ang maliit at walang kakayanang makipag-away na kapitbahay. Kinilala niya ang kalakasan at kapangyarihan ng mas malaking kapitbahay. Kinilala, hindi sinukuan. Nakipag-kamay ito, nakipag-usap, personal na kumatok, siya na inagrabyado ang unang nagpaabot ng kamay ng pakikipagkasundo. Maglalaban ba tayo? Matatalo mo naman kami. Anong saysay ng tagumpay kung alam ng lahat na ang panalo ay laban sa isang kapitbahay na walang ilalaban sa iyo o walang kakayanang lumaban sa iyo?
Nahiya, ang malaki at makapangyarihang kapitbahay. Oo nga pala, malalim na at matagal na ang pinagsamahan sa nakaraan. Oo nga pala, halos magkakaugnay ang maraming bagay tungkol sa amin. Oo nga pala, ako nga pala ang dapat na nakakatuwang sa pagpapalakas ng aking kapitbahay. Naalala ng kapitbahay na palalo na ang hinahamak niya at sinasamantala ay kanya nga palang kaibigan.
May nagtanong. Ano daw ba talaga ang nangyari at nagpunta lang ang maliit na kapitbahay sa lugar ng higanteng kapitbahay ay tila umayos na ang dating pinagaalitan? Sumuko daw ba? Nagpasakop na raw ba?
Hindi nababago ang napatunayan sa pamamagitan ng mga nakamasid, sa mas maliit na kaibigan ang pinag-aawayan.
Ang nangyari ay ibang porma kung paano nagupo ni David ang higanteng si Goliath. Hindi naging handa ang higante sa gagawing pakikitungo ng maliit na kapitbahay. Nagapi si Goliath na hindi nagkaroon ng dahas o karahasan.
Isang panibagong yugto sa kanilang kasaysayan bilang mag-kapitbahay at mag-kaibigan ang sa wakas ay nagbukas, nagsimula.
Kuwento ito ng dalawang mag-kapitbahay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.