Umano’y panlalait ni Miss Earth-Philippines Imelda Schweighart sa nanalong Miss Earth 2016 kumakalat sa social media
Tila inakusahan ni Miss Earth-Philippines Imelda Schweighart ang nanalo sa Miss Earth 2016 na si Katherine Espin ng Ecuador ng pagiging retokada sa isang kumakalat na video sa internet.
Sa nasabing video, makikita si Schweighart na kausap ang kaniyang mga fans kung saan sinabi niya na peke ang ilong, baba at dibdib ng nanalo sa naturang patimpalak.
“Yung nanalo, peke ilong, peke pa baba, peke pa (sabay turo sa dibdib). Miss Earth, dapat natural ‘di ba?,” ani Schweighart sa naturang video.
Bukod sa video na ito, naging kontrobersyal na rin si Schweighart noon dahil sa kaniyang video kung saan tinanong niya si Miss Austria Kimberly Budinsky kung galing sa kanilang bansa si Adolf Hitler.
Inihalintulad pa kasi ni Schweighart ang nasabing Nazi leader kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinoronahan bilang Miss Earth 2016 si Espin sa grand coronation night ng nasabing patimpalak na ginanap sa Mall of Asia Arena.
Samantala, ang iba pang mga nanalo ay sina Michelle Gomez ng Colombia bilang Miss Earth Air, Stephanie de Zorzi ng Venezuela bilang Miss Earth Water at Bruna Zanardo ng Brazil bilang Miss Earth Fire.
Kung nanalo sana si Schweighart, iyon na sana ang ikatlong sunud-sunod na panalo ng Pilipinas matapos masungkit ni Jamie Herrell ang titulo noong 2014, at ni Angelia Ong noong 2015.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.