Pagkilala ng mga kaanak sa mga bangkay, gagawing ‘online’ ng QCPD
Mayroon pang 75 na mga bangkay ang hindi pa rin kinukuha ng kanilang mga kaanak o kakilala sa dalawang punerarya sa Quezon City.
Dahil dito, maglulunsad ang Quezon City Police District (QCPD) sa susunod na buwan ng isang website na maglalaman ng kanilang mga nakalap na impormasyon tungkol sa mga nasawi.
Ayon kay QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar, nais nilang makita at matukoy ng kanilang mga kapamilya ang mga bangkay na ito, dahil lahat naman sa mga ito ay nararapat na mapagkalooban ng maayos na libing.
Base sa huling talaan ng QCPD, nasa St. Rafael Funeral Homes sa Congressional Avenue, at Lights Funeral Service sa Kamias Road ang nasabing 75 na bangkay.
Sa naturang bilang, 50 sa mga ito ay napatay sa mga insidenteng may kinalaman sa iligal na droga at operasyon ng mga pulis, habang ang iba naman ay pinatay ng mga hindi pa nakikilalang suspek dahil naman sa hinihinalang pagkakasangkot rin sa droga.
Oras aniya na mabuksan na ang website sa susunod na buwan, maglalaman ito ng litrato ng mga patay, at mga identifying marks tulad ng nunal o tattoo, na may kaakibat na pagsasalarawan sa nasawi.
Ani pa Eleazar, ilalagay sa isang public safety portal ang mga impormasyon tungkol sa mga bangkay, kung saan kailangan muna ng page visitor na maglagay ng kaniyang valid e-mail address para sa beripikasyon.
Ayon naman kay QCPD Public Information Officer Chief Insp. Titoy Cuden, maglalagay rin sila ng disclaimer sa website na magbibigay babala sa mga bibisita dito na may ilang litrato ay masyadong graphic at nakaka-bagabag.
Bukod naman sa mga unidentified na bangkay, ilalagay rin nila aniya sa website ang mga most wanted na suspek sa lungsod, pati na ang mga nawawalang tao at mga bagay sa lost and found.
Maari rin maglagay ng komento o mga reklamo at sumbong ang mga bibisita sa website.
Inaasahang sa Nobyembre ay magagamit na ang naturang website.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.