Mahigit 100 VCMs na hindi nagamit nung eleksyon, natuklasang may laman ang SD cards
Aabot sa mahigit 100 mula sa 1,400 ng vote counting machines (VCMs) na hindi nagamit noong nadaang eleksyon ang kargado o may mga lamang datos sa kabila ng pagiging ‘spare’ lamang ng mga ito.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni dating MMDA chairman, Atty. Francis Tolentino na bilang mga ‘spare’ hindi dapat nabuksan o nagalaw ang nasabing mga VCM.
Gayunman, sa isinagawang paglilipat kahapon ng Comelec sa nasabing mga makina pabalik sa Smartmatic, nadiskubre na 117 sa mga ito ay may laman ang SD cards.
“Mga unused, spare po ang mga ito, back-up lang, ibig sabihin hindi nagamit nung eleksyon, pero bakit may SD card na may laman?” ani Tolentino.
Nangangamba ang kampo ng nasabing senatorial candidate na baka ginamit ang nasabing mga VCMs lalo pa at ang mga datos dito ay kayang itransmit kahit saan at kahit anong oras.
Mula sa warehouse ng Comelec sa Sta. Rosa, Laguna, nalipat na kahapon sa Smartmatic ang nasa mahigit 1,300 na VCMs.
Ayon kay Tolentino, sinimulan ng umaga ang paglilipat na inabot ng madaling araw.
Nagtataka din si Tolentino kung bakit itinuloy ng Comelec na ilipat o ibalik sa Smartmatic ang nasabing mga hindi nagamit na VCMs gayung may utos ang Senate Electoral Tribunal (SET) na huwag munang ilipat ang mga ito.
Hindi rin umano en banc decision ang paglilipat at tanging si Comelec Commissioner Arthur Lim lamang ang nag-utos.
Nakatakdang kwestyunin ng kampo ni Tolentino sa Comelec ang natuklasang SD cards na may datos sa loob ng mga ‘di nagamit na VCM.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.