DBM, sinisi ni Lacson sa hindi sapat na tulong sa Yolanda victims
Sinisi ni dating Senator Panfilo Lacson ang Department of Budget and Management sa palpak na rehabilitasyon sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Lacson, hindi agad nailabas ng DBM ang inaprubahang budget ni Pangulong Aquino para sa Yolanda Rehab.
Sinabi pa ni Lacson na nanilbihan din bilang presidential adviser on the rehabilitation and recovery sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, tama lamang ang naging obserbasyon ng ng special rapporteur ng United Nations na si Chaloka Beyani na nagsabing hindi sapat ang ginawa ng gobyerno ng Pilipinas para matulungan ang mga nawalan ng tahanan dahil sa bagyo.
Katunayan sinabi ni Lacson na itinuturing pa nga niyang “understatement” ang pahayag ni Beyani.
Paliwanag ni Lacson, sa report ng Social Watch na isang civil society group, P84 billion pesos lamang ang nai-release na pondo ng DBM para sa mga lalawigang tinamaan ng iba’t-ibang kalamidad kabilang na ang Yolanda. Sa nasabing halaga, P35 billion lamang ang napunta sa mga nasalanta ng Yolanda at ang ibang halaga ay para sa rehabilitasyon sa mga lugar na tinamaan ng iba pang kalamidad.
Sa kaniyang comprehensive rehabilitation and recovery plan na isinumite kay PNoy, sinabi ni Lacson na P167.8 billion ang kailangang pondo para sa Yolanda Rehabilitation. Ang nasabing halaga ay inaprubahan aniya ng Pangulo.
“I am blaming the DBM because its job was to release funds and the budget here was approved by the president. The department should comply. So why did it not release the funds?” tanong ni Lacson.
Ayon kay Lacson, bago pa siya nagbitiw bilang presidential adviser on the rehabilitation and recovery, ipinaalala pa niya kay Budget Sec. Butch Abad na dapat tiyakin ang paglalaan ng pondo para sa Yolanda rehabilitation.
Sinabi aniya ni Abad sa kaniya na maghahanap ito ng pagkukunan ng pondo para dito. Pero ayon kay Lacson, hindi naman kailangang maghanap ng pondo dahil nalaman niya mula sa National Treasurer’s Office na mayroong P350 billion na savings ang gobyerno sa 2014 budget.
Nag-iwan ng matinding marka sa Silangang Visayas ang bagyong Yolanda na kumitil nang humigit kuulang 6,000 katao, at mahigit 1,000 pa ang hanggang sa ngayo’y nawawala.
Ayon sa datos ng gobyerno, halos 2.5 porsyento lamang o 542 ng kabuuang 21,000 bilang ng permanenteng bahay ang naipapatayo hanggang noong buwan ng Hunyo.
Nasa 4,900 namang mga bahay ang kasalukuyang pang ginagawa, sa dalawang bayan ng Samar, at 6 na bayan ng Leyte./ Stanley Gajete, Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.