“Baka makakabalik na tayo sa Scarborough shoal” – Pres. Duterte
Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng makabalik na ang mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough shoal.
Sa kanyang talumpati sa Tuguegarao People’s gym, sinabi ng Presidente na ilang araw na lamang daw ang hihintayin at baka makabalik na ang mga mangingisda sa Scraborough shoal.
“We just have to wait for a few more days. Baka makakabalik na tayo sa Scarborough shoal,” pahayag ng punong ehekutibo.
Iginiit umano ng China na sa kanila ang Scarborough shoal, pero sagot umano niya ‘amin din yan.’
Dagdag ng Pangulo, sa kanya raw pagkakaalam ay pinaalis na rin ni Xi Jin Ping ang mga Chinese fishermen para wala nang makita diyan, subalit hindi raw siya tiyak kung tutuparin ito ng China.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, nagtungo siya sa China pero walang napag-usapang armas o giyera.
Sa halip, ang mga natalakay aniya ay kung papaano magtutulungan.
Bigo pa ring makalapit ang mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough o Panatag shoal hanggang sa ngayon sa kabila ng naging desisyon ng UN Arbitral Tribunal.
Kwento ng ilang mga mangingisda, itinataboy o hinaharang daw sila ng mga tauhan ng Chinese Coast Guard.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.