Hindi pa rin nakapag-enroll sa University of Sto. Tomas si Krisel Mallari, ang estudyanteng nagreklamo sa grading system ng kanyang pinagmulang mataas na paaralan sa kasagsagan ng kaniyang salutatory speech.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Public Attorney’s Office Chief Persida Rueda – Acosta na alas 8:00 pa lamang ng umaga ng Biyernes ay nasa UST na si Mallari para isumite ang kaniyang Certificate of Good Moral Character.
Pero ayon kay Acosta, inabot na ng alas 2:00 ng hapon si Mallari sa UST ay hindi pa rin ito nakapag-enroll. “Kaninang alas otso nandun siya sa UST para mag-enroll na at dala-dala nga po angc ertificate of good moral na inisyu ng Sto. Niño, siya po ay naghintay hanggang alas dos ng hapon, nakausap po nila ang Dean ng College of Accountancy na kung saan siya ay magiging scholar, ang sabi po sa araw ntg Martes may meeting pa ang University Council ng UST at doon malalaman ni Krisel kung siya ay papayagang mag-enroll kahit late na,” ani Acosta.
Sinabi din ni Acosta na noon pang July 15 ang huling araw na ibinigay ng UST kay Mallari para maisumite ang kaniyang certificate of good moral character at makapag-enroll pero hindi nga agad ibinigay ng pinagmulan niyang paaralan ang nasabing dokumento.
Naghain pa ng petisyon sa CA si Mallari sa tulong ni Acosta para makuha ang certificate of good moral mula sa eskwelahan.
Ang Sto. Niño Parochial School ay tumalima sa utos ng Court of Appeals (CA) na ibigay kay Mallari ang nasabing certificate para makapag-enroll na sa UST, pero may mga inilagay na notes ang pamunuan ng eskwelahan./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.