2 pulis na sangkot sa pagpatay sa anticrime crusader, kinasuhan ng murder, attempted murder
Sinampahan na ng kasong murder at attempted murder ng PNP ang dalawa sa kanilang mga kabaro na pangunahing sangkot sa pagpatay sa pinuno ng Citizen’s Crime Watch sa Oriental Mindoro.
Sina Sr. Inspector Magdaleo Pimentel Jr., dating kasapi ng Oriental Mindoro Police Public Safety Company at Inspector Markson Almeranez, na hepe ng Socorro police ay nasasangkot sa pagpatay sa biktimang si Zenaida Luz, na kilalang anticrime crusader sa kanilang lugar sa bayan ng Gloria.
Ang dalawa na naka-maskara pa at wig at nakasakay ng motorsiklo ang sinasabing bumaril sa biktima sa harap ng bahay nito sa Bgy. Maligaya sa bayan ng Gloria, Linggo ng gabi.
Sa kanilang pagtakas, nakaengkwentro ng mga ito ang mga tauhan ng Gloria police na nagresulta sa shootout.
Nang masugatan sa engkwentro, dito na lamang nagsisigaw at nagpakilalang mga pulis ang dalawa na ikinabigla ng mga otoridad.
Napag-alaman na awardee pa bilang outstanding police commissioned officer si Inspector Almeranez at mismong si PNP Chief Ronald Dela Rosa pa ang nagbigay ng pagkilala dito noong Setyembre.
Pawang mga graduate din ng Philippine National Police Academy ang dalawang scalawag cops.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.