Pagkansela sa lisensya ng tindahan ng paputok na sumabog sa Bocaue Bulacan, isinailalim na sa proseso
Sinimulan na ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office o PNP-FEO ang proseso ng pagkansela ng lisensya ng Gina Gonzales Mechandise, ang tindahan ng paputok na sumabog at nasunog sa Bocaue, Bulacan kahapon.
Dalawa ang nasawi sa insidente kasama na ang may-ari ng tindahan na si Gina Gonzales habang hindi bababa sa dalawampu ang nasugatan.
Ayon kay PNP FEO Director Chief Supt. Cesar Binag, pangunahing magiging basehan ng pagkansela ng lisensya ang magiging resulta ng isinasagawa nilang imbestigasyon.
Bagaman dumaan naman sa safety inspection ang tindahan at kumpleto ang permit ng may-ari ng tindahan, hindi naman daw tiyak kung patuloy na nakakapag-comply ang tindahan ng paputok.
Nito lamang nakaraang buwan ng Mayo, huling na-inspeksyon ng mga tauhan ng Bulacan PPO police ang tindahan at nakapasa naman ito sa safety standard.
Maliban sa Gina Merchandise, sumasailalim din sa revocation process ang lisensya ng dalawang katabing tindahan na Liberty Pyrotechnic at Woody Len Pyrotechnic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.