Pre-trial sa plunder case kina Enrile, Reyes at Napoles, kanselado
Kinansela ng Sandiganbayan ang pre-trial sa kasong plunder nina Senator Juan Ponce Enrile, dating Chief of Staff nito na si Gigi Reyes at Janet Lim Napoles.
Ito ay sa kabila ng pagsipot ng tatlo sa Sandiganbayan matapos ipag-utos ng korte ang kanilang pagharap.
Naghain kasi ng ‘objection’ ang abogado ni Enrile at sinabing hindi pa sila nabibigyan ng orihinal na kopya ng mga dokumento at ebidensya ng prosekusyon.
Ayon kay Atty. Anacleto Diaz, pawang mga photo copies lamang ang mga kopyang natanggap nila.
Sinabi ni Diaz na hindi sila maaring makapag-marka ng kanilang counter-evidence hanggat hindi natatapos ng prosekusyon sa paglalatag ng kanilang sariling mga ebidensya at testigo. “Until now they are not yet done with the marking of their evidence, your honor. We cannot proceed unless they are done,” ayon kay Diaz.
Pinaburan naman ng Sandiganbayan ang kampo ni Enrile at sinuspinde na lamang muna ang pre-trial.
Si Enrile ay naka-hospital arrest sa Philippine National Police General Hospital habang si Reyes naman ay nakakulong sa female dormitory ng Camp Bagong Diwa.
Pinadalhan ng court order ng Sandiganbayan ang PNPGH at ang Camp Bagong Diwa para matiyak na makakasipot ngayong araw sa korte sina Enrile at Reyes./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.