Presyo ng palay, kapareho na ng ‘darak’ sa sobrang baba, ayon sa grupo ng magsasaka
Magkapareho na ang presyo ng palay sa halaga ng bawat kilo ng darak na ipinapakain sa mga hayop dahil sa pagbulusok ng presyo nito.
Ayon kay Oftociano Manalo, pangulo ng Pangasinan Federation of Irrigator’s Association, bumagsak ang presyo ng palay mula halagang P12 bawat kilo mula sa dati nitong presyo na P15 per kilo noong Setyembre.
Ito ay dahil umano sa pagpasok ng daan-daan libong tonelada ng imported rice sa bansa mula sa Vietnam at Thailand.
Bukod sa 250,000 metic tons ng bigas na pumasok sa bansa noong October 5, masusundan pa ito ng karagdagang delivery sa katapusan ng buwan hanggang Nobyembre.
Dahil aniya sa pagbagsak ng presyo ng palay, malabo nang mabawi ng mga magsasaka ang kanilang puhunan sa kanilang ani.
Maganda sana aniya ang kikitain ng mga magsasaka ngayong taon dahil walang bagyong sumira sa kanilang pananim ngayong taong ito.
Gayunman, dahil sa pagpasok ng kompetisyon na imported rice mula sa ibayong dagat, todo-bagsak ngayon ang presyo ng kanilang produkto.
Giit ni Manalo, hindi dapat isinabay ng National Food Authority (NFA) ang delivery ng ‘buffer stock’ ng imported na bigas para sa ‘lean months’ sa panahon ng anihan ng mga local na magsasaka.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.