Shake Drill sa Metro Manila, naging tagumpay

July 30, 2015 - 09:14 PM

Kuha ni Jong Manlapaz

Matagumpay ang Metrowide Shake Drill na isinagawa kaninang umaga sa pangunguna ng Metro Manila Development Authority o MMDA.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, tagumpay ito dahil sa pakikiisa ng ibat ibang ahensya ng gobyerno kasama na ang pribadong sektor at ang media.

Aminado naman si Tolentino na maaari pang pag-ibayuhin ang pag-responde sa lindol lalo na pagdating sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan ng lahat ng mga sektor.

Umaasa din si Tolentino na magiging taunan na ang malawakang drill para masiguro ang kahandaan sa mga emergency situation.

Alas diyes y media ng umaga ng sabayang patunugin ang alarm system sa ibat ibang lugar sa Metro Manila tulad sa radyo, eskwelahan, mga government offices at maging ang simbahan ay nagpatunog ng kampana na hudyat ng malawakang shake drill.

Sa kampo Crame, sinabi ni Chief Superintendent Efren Perez, Executive Officer, ng Directorate for Police Community Relations, nasa limang libo ang nakiisa sa drill sa loob ng kampo na kinabibilangan ng mga pulis at mga personnel ng PNP.

Sa Maynila, may nasunog pang kotse habang may usok pang nanggagaling sa isang building habang nirerespondehan naman ng bumbero.

Sa Ayala Center, Makati, may mga iniligtas pa mula sa mataas na gusali na unti-unting ibinaba ng mga rescuers.

Maging mga miyembro ng Diplomatic Corps ay nakiisa sa aktibidad at nagtungo sa Command and Control Center sa Parañaque City.

Sakaling magkaroon ng tunay na malakas na paglindol, ililikas ang mga miyembro ng Diplomatic Corps sa Tagaytay City.

Sa ilalim ng shake drill, hinati ang Metro Manila sa apat na quadrants kung saan magkakaroon ng kanya-kanyang scenario at mga evacuation site.

Ang western quadrant na binubuo ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela at Manila kung saan ang naging evacuation site ay ang Intramuros golf course.

Ang northern quadrant na binubuo naman ng Quezon City, San Juan at Mandaluyong na ang itinalagang evacuation center ay ang Veterans Memorial Medical Center at ang UP Diliman campus. Ang eastern quadrant na binubuo naman ng Marikina at Pasig ay magkakaroon ng scenario na “fallen structures.”

Ginawang evacuation site ang LRT Santolan depot, Marikina Boystown at ang ULTRA sa Pasig. Ang southern quadrant na binubuo ng Pasay, Makati, Parañaque, Las Pinas, Muntinlupa, Pateros at Taguig na evacuation site ay ang Villamor golf course.

Samantala, eksaktong alas otso ng gabi, sinimulan ang Quake Drill sa Ortigas Center sa Pasig City.

Sa night drill, ilang mga scenario ang ipapakitang rerespondehan ng mga Rescue Units kabilang na ang sunog sa ilang gusali tulad ng Philippine Stocks Exchange at mga aksidente sa lansangan.

Bahagi rin ng simulation exercises ang biglaang pagkaputol ng kuryente at communication sa lugar.

Ipinakita rin sa nighttime quake drill ang pagtugon sa mga nasugatan sa simulated na lindol at ang pagdadala sa mga biktima sa pinakamalapit na pagamutan.- Jimmy Tamayo/Jay Dones

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.