DOJ, magpapalabas ng lookout bulletin laban kay Ronie Dayan
Magpapalabas ng lookout bulletin ang Department of Justice (DOJ) para mabantayan ang kilos at pagbiyahe ng dating driver ni Senator Leila De Lima na si Ronie Dayan.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kung patuloy na iisnabin ni Dayan ang imbitasyon ng kamara para dumalo siya sa pagdinig hinggil sa drug trade sa Bilibid, maglalabas na ng lookout bulletin laban sa kaniya.
Sa ilalim ng lookout bulletin, aatasan ang lahat ng immigration officers na ipaalam sa DOJ at sa National Bureau of Investigation (NBI) kapag namataan nila si Dayan sa mga paliparan o pantalan na paalis ng bansa.
Bagaman sa ilalim ng lookout bulletin ay hindi pwedeng pigilan na bumiyahe si Dayan, maiaalerto naman ang NBI sa pag-alis at sa patutunguhan nito.
Magugunitang binigyan na ng 24 oras na ultimatum ng house justice committee si Dayan para magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat ma-cite for contempt dahil sa patuloy na pang-iisnab sa imbitasyon na dumalo siya sa pagdinig.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.