Ikatlong pagdinig ng Kamara sa isyu ng droga sa Bilibid, inabot ng 12 oras; Ronnie Dayan muntik nang ipaaresto
Matapos ang 12 oras, pansamantalang tinapos ng House committee on justice ang kanilang pagdinig kaugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Kabilang sa mga humarap sa pagdinig bilang testigo ngayong araw Sina Joenel Sanchez, inmates na sina Engelberto Durano, Joel Capones at Nonilo Arile, Police Sr. Supt.Jerry Valeroso, at si dating Bureau of Corrections chief Franklin Bucayu.
Hindi naman nakaharap sa pagdinig si Jaybee Sebastian, pero inaasahang makakaharap na siya sa Lunes, habang hindi rin nakapagbigay ng testimonya si Lt. Col. Ferdinand Marcelino matapos harangin ng mayorya ng mga kongresista.
Kasama sa naging highlight sa hearing ang relasyon nina Sen. Leila De Lima at Ronnie Dayan na kinumpirma ng dating security aide ni De Lima na si Joenel Sanchez.
Nagisa naman ng husto ni Deputy Speaker Fredenil Castro si Bucayu dahil sa kabiguan nitong maresolba ang problema ng droga sa ilang taon nitong pamumuno sa NBP.
Dinikdik rin ng husto ni Castro si Bucayu kung bakit hindi isinama si Sebastian sa Bilibid 19 o high profile inmates na inilipat sa National Bureau of Investigation (NBI) noong 2014 sa ginawang Oplan Galugad.
Katwiran ni Bucayu batay sa napagkasunduan ng grupo ay mas manageable si Sebastian at masisigurong hindi magkakagulo ang mga inmate kahit wala ang matataas na lider ng mga gang roon.
Aminado naman si Philippine National Police (PNP) director for operations Benjamin Magalong na matapos marinig ang testimonya ng mga testigo, ay hindi na siya sigurado sa kanyang sarili kung inosente nga ba talaga sa isyu ng droga sa NBP si De Lima.
Naghain naman ng mosyon si Deputy Speaker Gwen Garcia na i-cite in contempt si Dayan dahil sa kabiguan nitong humarap sa naturang pagdinig sa kabila ng isinilbing subpoena sa kaniya.
Gayunman, hindi pa lumilipas ang isang oras ay binawi na ng komite ang contempt order at binigyan ng 24 oras si Dayan na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng contempt.
Sa Lunes, bago ang ika-apat na hearing, ay mayroon namang executive session kung saan idedetalye nina Magalong at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) chief Reginald Villasanta ang ilang sensitibong impormasyon hinggil sa raid sa mga raid sa Bilibid.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.