Lalake sa Britanya, posibleng kauna-unahang pasyente na gumaling sa HIV
Malaki ang posibilidad na maituring na pinakamalaking breakthrough sa larangan ng medisina ang paggaling umano ng isang 44-anyos na lalake sa Britain sa sakit ng Human Immunodeficiency Virus o HIV.
Ayon sa ulat ng The Telegraph, wala nang makitang indikasyon na may sakit na HIV ang hindi muna kinilalang pasyente matapos itong dumaan sa gamutan gamit ang isang pioneering technology sa Britanya.
Ang hindi kinilalang lalake ay isa sa 50 mga HIV positive na pasyente na inoobserbahan ng mga British scientists matapos bigyan ng makabagong gamot sa HIV habang ito ay nasa dormant stage pa lamang.
Tinatarget ng treatment na sirain ang lahat ng mga HIV sa katawan ng isang pasyente maging ang mga dormant cells.
Dumadaan sa dalawang proseso ng ‘therapy’ ang mga pasyente kung saan ang una ay binibigyan ng bakuna ang mga ito upang matukoy ang mga HIV-infected cells sa katawan.
Kasunod nito ang pagbibigay ng gamot na tinatawag na ‘Vorinostat’ na nag-aactivate ng dormant T-cells upang matukoy ito ng immune system ng pasyente.
Bagamat wala nang makitang HIV sa naturang pasyente, ipinaalala ng mga siyentipiko na masyado pang maaga upang tuluyang ideklarang nadiskubre na ang gamot para sa nakamamatay na HIV sa kasalukuyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.