Kamara, hati sa isinusulong na same-sex marriage ni House Speaker Alvarez

By Isa Avendaño-Umali October 04, 2016 - 08:30 AM

Alvarez1Hati ang mga kongresista sa plano ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maghain ng panukalang batas na magsasa-legal ng same-sex marriage sa Pilipinas.

Ayon kay House Deputy Speaker Pia Cayetano, suportado niya ang same-sex marriage bill dahil gaya ng Reproductive Health Law ay matagal na nang panahon na dapat natatalakay ito at mabigyan ng pagkakataon.

Giit pa ni Cayetano, mainam na isantabi na ang biases sa isyu dahil kailangan na talagang isaalang-alang ang usapin para sa karapatan at kapakanan ng mga dumaraming Lesbian, Gay, Bisexual at Transgender o LGBT community.

Pero para sa pro-life congressman na si Buhay PL Rep. Lito Atienza, dapat panindigan ang nasasaad sa batas na ang kasal ay sa pagitan lamang ng babae at lalaki, at walang rason para magbago ito.

Ayon kay Atienza, wala siyang anumang isyu laban sa LGBT community, at sa katunayan ay handa siyang ipagtanggol ang mga karapatan ng mga ito.

Subalit dismayado umano siya sa commitment ni Alvarez hinggil sa same-sex marriage, gayung inihayag nito noon na mas prayoridad ang Federalism at iba pang mahahalagang panukalang batas.

Umaasa si Atienza na magbabago pa ang isip ni Alvarez, at mas bibigyang-bigat ang kasagraduhan ng kasal sa ating bansa.

Dagdag naman ni House Deputy Speaker Fred Castro, bagama’t may tiyak na tututol sa Kamara, marami rin aniya ang papabor sa same-sex marriage lalo’t may tulak ito ng Liderato.

Ang siguradong makakalaban aniya ay ang Simbahang Katolika, na mula’t sapul ay ayaw sa kasal ng babae sa babae o lalaki sa lalaki.

 

TAGS: same sex marriage, same sex marriage

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.