Kadugo muna bago ang kaibigan.
Tahasan ng sinabi ng mga kapatid na babae ni Pangulong Benigno Aquino III na bagaman sinabi nila noon na nasa likod sila ni Vice President Jejomar Binay, iba na ang sitwasyon ngayon.
Ang dating suportang iyon ay hindi nangangahulugan na suporta sa anumang balak ni Binay sa hinaharap.
Ayon kay Maria Elena “Ballsy” Aquino-Cruz, hindi na nila kayang suportahan pa si Binay matapos na sabihin nito na “palpak at manhid” ang administrasyon ng kanilang kapatid. “Nagsalita na siya, iba na ngayon siyempre. Kaibigan pa rin naming siya pero binabangga na niya ang aming kapatid, iba na yun, kapatid namin yun,” ani Ballsy.
Inamin ni Ballsy na nasaktan sila sa mga pahayag ni Binay.
Nilinaw naman ni Pinky Aquino-Abellada na hindi totoo na noong 2010 Election ay si Binay ang kanilang sinuportahan at hindi si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na noon ay kumandidato ng pagka-bise presidente. “Hanggang sa huli, Noy-Mar kami. Nanatili kami sa ticket at nilinaw na namin yan kay Secretary Mar,” ani Pinky.
“Hindi rin namin sinabi na kung tatakbo siyang VP ay susuportahan namin siya,” dagdag ni Pinky. Ngunit tulad ni Ballsy, hindi rin ganoon kadali na kalimutan ang mahabang panahon ng kanilang samahan at pakikipag-kaibigan kay Binay at maging sa pamilya nito.
Agosto ng 2014 sinimulan ng Senate Blue Ribbon sub-committee ang pagdinig sa mga umano’y katiwalian na kasangkot umano ang pamilya Binay. Umabot na ng dalawampu’t dalawa ang hearing ng sub-committee.
Nitong ika-22 ng Hunyo, nag-sumite si Binay ng irrevocable resignation bilang kasapi ng gabinete ng pangulo.
Sa kanyang Huling State of the Nation Address, ang pahayag na “palpak at manhid” ni Binay tungkol sa kanyang administrasyon ang pinarunggitan ng pangulo./Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.