Bagong tulay sa Pasig River, hindi pa masimulan

July 29, 2015 - 10:50 AM

Edited via Inq Infographic
Inquirer Infographic

Patuloy ang pagtutol ng mga residente ng Capitol Drive sa Pasig City sa plano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo ng isang tulay na tatawid sa ilog Pasig at magdudugtong sa Bonifacio Global City sa Taguig, Makati at Ortigas.

Ang nasabing proyekto ay tatawid sa Pasig River sa kahabaan ng J.P Rizal Street sa Makati malapit sa Makati Park and Garden patungo ng Sta. Monica Street sa Pasig City.

Kung matutuloy at matatapos ang tulay, ang magiging ruta ng mga motorista ay mula sa BGC, didiretso sa nasabing tulay, patungo ng Sta. Monica Street, Shaw Blvd. at sa West Capitol Drive.

Sinabi ni DPWH Sec. Rogelio Singson sa panayam ng Radyo Inquirer na hindi pa nila maumpisahan ang proyekto dahil ayaw pumayag ng mga residente sa Capitol Drive na makapasok sa lugar nila ang mga sasakyan.

Ngayong buwan ng Hulyo sana ang target ng DPWH na masimulan ang proyekto.

Ayon kay Singson pumayag naman na ang mga lokal na pamahalaan sa mga maaapektuhang lugar, pero hindi pa nila mahikayat ang mga residente. “Inaprubahan na nga ng NCR Mayors e, pero siyempre kinonsulta namin ang communities. Gusto naming makumbinse sila na tama at kailangan talaga ang gagawin namin. Ang proposal kukuha kami ng right of way, pero tutol ang mga taga Capitol Drive pero ayaw nilang daanan ang lugar nila ng mga sasakyang galing ng EDSA at C5,” ayon pa kay Singson.

Ayon kay Singson, kailangang magawa ang nasabing tulay dahil sa laki ng Metro Manila ay iilang tulay lamang ang tumatawid ngayon sa Pasig River at nadadaanan ng mga motorista.

Malaking bagay din aniya kung maisakatuparan ng DPWH ang nasabing proyekto dahil kailangang-kailangan nang makumpuni ang Guadaluupe Bridge.

“Ang Guadalupe bridge kasi sabi ng mga eksperto kailangan I-retrofit na iyan, bagaman hindi dadaanan ng WVF eh napakalapit naman niyan. Pero alam naman natin nasa EDSA iyan napakahirap galawin niyan. Kaya naghanap kami ng another bridge na pwedeng itayo between Guadalupe and C5. Ang nakita nga namin yung sa Sta. Monica, pero mahahagip ang bahagi ng West Capitol Village,” paliwanag pa ni Singson

Sa pagtaya ng DPWH, aabot sa 50,000 hanggang 70,000 na sasakyan ang makakagamit araw-araw sa nasabing tulay sakaling matuloy ang paggawa nito.

Makakatulong din ito para mabasawan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa EDSA at sa C5./ Dona Dominguez-Cargullo

TAGS: Sta Monica Bridge project, Sta Monica Bridge project

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.