Hinatulan ng parusang kamatayan ang sinasabing paboritong anak ni dating Libyan strongman Moammar Gadhafi na si Seif Al-Islam Gadhafi.
Sa report ng Associated Press, sinasabing may kaugnayan ang hatol sa naganap na maramihang pagpatay o genocide sa Libya noong 2011.
Bagaman ibinaba na ng Tripoli Court ang hatol, hindi nila basta maipatupad ang parusang kamatayan dahil hanggang ngayon ay bihag pa rin ng isang Militia group ang dating hinirang na tagapagmana ni Moammar Gadhafi.
Mula ng mapatalsik at mapatay ang dating Libyan leader ay hindi pa rin naibabalik ang kaayusan sa buong Libya.
Binatikos naman ng United Nations ang naturang hatol kay Seif Al-Islam Gadhafi dahil dinidinig na ang kaso sa International Criminal Court sa The Hague.
Si Seif ay ikalawa sa pitong anak na lalaki ni Gadhafi ay sinasabing nag-aral sa United Kingdom at sinasabing tagapagmana ng trono ng pamahalaan ng Libya kundi lamang napabagsak at napatay ang dating Libyan strongman.
Nauna dito ay tatlumpu’t walong mga dating military officials ni Gadhafi ang hinatulan na rin ng parusang kamatayan at naghihintay na lang ng araw ng kanilang execution./ Den Macaranas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.