P20M na hirit na refund ng Smartrmatic, ibinasura ng Comelec
Hindi pinagbigyan ng Comelec En Banc ang hininging refund ng Smartmatic na nagkakahalaga ng P20 milyon.
Ayon kay Commissioner Rowena Guanzon, ang nasabing halaga ay penalty na ibinawas sa Smartmatic mula sa kanilang receivable o halaga na dapat matanggap nuon pang taong 2013.
Ipinaliwanag ni Guanzon na matagal nang natapos ang libro ng Comelec para sa naging gastusin nito nuong 2013 at hindi na maaring payagan ang anumang refund.
Kapag nagkataon na inaprubahan ang refund, ito umano ay papatawan ng disallowance ng Commission on Audit at aatasan ang Smartmatic na ibalik ang bayad.
Nagtataka naman si Guanzon kung bakit humingi ng refund ngayong taon ang Smartmatic gayong ang pinagmumulan ng hiling nito ay transaksyon nuon pang 2013.
Sa liham ng Smartmatic na may petsang August 26, 2016 na pirmado ng project director nito na si Elie Moreno, ang mahigit P19 milyon na hinihingi nitong refund ay para sa software enhancement na kanilang ginawa para sa 2013 elections.
Ayon kay Moreno, bagamat hindi nila nakumpleto ang 30 software enhancement na napagkasunduan, nagawa naman nilang matapos ang 22 enhancement.
Kung pagbabatayan ang P675,000 na halaga ng bawat enhancement, lumilitaw na P5.4 milyon lamang ang halaga na hindi natupad ng Smartmatic kaya lumalabas umano na ang P24.4 milyon na halaga ng penalty na ipinataw sa kanila ng Comelec ay sobra-sobra at hindi makatwiran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.