Matatagalan pa bago matapos ang Blumentritt floodwater interceptor project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakikitang long-term solution para maibsan ang pagbaha sa Maynila.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay DPWH Sec. Rogelio Singson, inaasahang sa March o April ng susunod na taon ay kumpleto na ang proyekto.
Sa ilalim ng interceptor project, ang tubig ulan ay didiretso na sa Manila Bay kaya inaasahang hindi na maiipon ang tubig baha sa mga lansangan ng Maynila na napakatagal na ring problema.
Ang nasabing proyekto ang naging solusyon ng DPWH matapos na tumanggi ang mga estudyante at pamunuan ng University of Sto. Tomas sa naunang plano ng kagawaran na gamitin ang football field ng Unibersidad para gawing “retarding basin” na pansamantalang sasalo sa tubig baha sa Maynila lalo na sa Espanya.
Target sana ng DPWH na hukayin ang football field ng UST at gumawa ng pansamantalang bagsakan ng tubig doon, pero iaahon din ang tubig kapag kaya nang tanggapin ng drainage o kapag tumila na ang buhos ng ulan. “Madali sana masolve ang portion na iyan kung maglalagay tayo ng retarding basin. Ibababa muna ang tubig at kung kaya na ng drainage at saka ilalabas ulit. Ang concern ng UST baka daw magiba ang old structures, ang hinihingi sana namin eh magamit ang football field nila,” ani Singson.
Pero dahil patuloy aniya ang pagtanggi ng UST, nagpasya ang DPWH na gawin na lamang ang Blumentritt floodwater interceptor project.
Ayon sa DPWH – National Capital Region, 82% ng kumpleto ang proyekto,
Sa sandaling matapos na, ang interceptor ang sasalo sa tubig ulan mula sa Quezon City, Blumentritt, Aurora Blvd, Rizal Avenue sa Maynila, at Hermosa sa Tondo./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.