Dahil sa banta sa kaniyang buhay, De Lima, lumipat na ng bahay
Para matiyak ang seguridad niya umalis na muna sa kaniyang bahay sa isang subdivision si Senator Leila De Lima.
Ayon sa senadora, lumipat na lamang muna siya ng tirahan dahil maging ang kaniyang mga kapitbahay at ang seguridad sa subdivision na kaniyang tinitirahan ay naapektuhan na ng mga kinakaharap niyang kontrobersiya.
Simula aniya ng pumutok ang mga balita laban sa kaniya, dumami rin ang mga natatanggap niyang pagbabanta, kaya kinailangan ding magpatupad ng mas mahigpit na security measures.
“Yes, I have to temporarily leave my house, at hindi lang ako ang apektado, apektado yung buong subdivision, added burden sa kanila kasi nag-add sila ng security measures, nadadamay sila because of me,” ayon kay De Lima.
Dagdag pa ni De Lima, patuloy ang pagtanggap niya ng hate messages sa cellphone number niya na inanunsyo sa hearing sa kamara.
Ayon sa senadora malinaw naman na ang mga mensahe na nagmula sa aniya’y mga “Duterte trolls” at “Duterte fanatics”.
Ilan sa mga mensahe ay binasa ni De Lima sa harap ng media kabilang ang:
“Hoy Delimaw! Kailan ka magbabaril sa ulo mo? Kahit katiting wala ka na bang natitirang kahihiyan?
Matanda ka na konti na lang buhay mo sa mundo, hindi ka ba natatakot mamatay ng makasalanan?”
“Ikaw pala ang isa sa mga salot sa Pilipinas, umamin ka na, mahiya ka uy,”
Sinabi ni De Lima na hindi na niya halos nagagamit ang nasabing numero sa lehitimong tawag o mensahe dahil hindi ito napapahinga sa pagtanggap ng hate messages.
Muli namang iginiit ng senadora na hindi siya magbibitiw sa pwesto sa kabila ng mga panawagan.
“Ako ang ginigipit nila sa mga walang katuturang akusasyon nila, tapos ako ang magreresign?” dagdag pa ng senadora.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.