18 truck na bahagi ng convoy na maghahatid ng tulong sa Aleppo, Syria, inatake ng airstrike
Pinangangambahang marami ang nasawi, matapos na atakehin ng airstrike ang convoy ng mga sasakyang may lulan na tulong para sa halos walumpung libong katao sa East Aleppo, Syria.
Tinamaan sa ginawang airstrike ang labing walong truck na bahagi ng convoy ng aabot sa 31 sasakyan.
Patuloy pang kinukumpirma ng United Nations kung ilan ang nasawi sa insidente.
Sa ulat kasi ng Associated Press, labingdalawa ang nasawi sa pag-atake, habang 32 naman ang inulat na nasawi ng Reuters.
Binomba umano ang mga truck habang nagbababa ng supplies sa mga warehouse.
Ayon kay UN Special Envoy for Syria Staffan de Mistura, dumaan sa mahabang proseso bago mapagkalooban ng permiso ang pagdaan ng nasabing convoy para makapaghatid ng tulong sa mga sibilyan na apektado ng kaguluhan sa Syria.
Kinondena naman ng International Committee of the Red Cross ang nasabing pag-atake sa mga humanitarian workers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.