Dalawang janitors na naka-toka sa paglilinis sa Batasang Pambansa complex sa Quezon City ang binigyang pagkilala matapos nilang isauli ang P19,500 na halaga ng perang natagpuan nila sa upuan ng isang mambabatas sa plenary hall noong nakaraang linggo.
Naglilinis si Crispin Jasareno sa bulwagan nang bigla niyang makita ang bugkos ng tig-P500 na pera sa upuan ni Cebu Rep. Jonas Cortes noong Miyerkules.
Agad niyang tinawag ang kasamahan niyang si Michael Mark Quimora dahil ayaw niyang galawin ang pera nang siya lang ang naroon.
Magkasama nilang ibinalik ang pera sa staff ni Cortes sa opisina nito, at binigyan aniya sila ng P500 pang-meryenda.
Ayon kay Jasareno, masyadong malaki ang pera at kailanman hindi niya naisip na ibulsa ito dahil tiyak na hahanapin ito ng may-ari.
Para naman kay Quimora, masyadong mabigat ito sa konsensya kung ibubulsa nila ito.
Hindi naman nila personal na nakausap ang kongresista, pero ayon sa staff nito, hindi napansin ng mambabatas na nawalan siya ng pera, at malamang na dumulas lang ito sa kaniyang bulsa.
Walang pag-aatubili naman si Cortes na sumulat kay House Secretary General Cesar Pareja para bigyang pagkilala ang katapatan nina Jasareno at Quimora.
Sa liham ni Cortes, sinabi niyang hindi sapat ang simpleng pasasalamat para kilalanin ang katapatan ng mga naturang empleyado ng Kamara.
Kaya naman hiniling niya na parangalan ang dalawa dahil sila ay magandang halimbawa ng integridad at katapatan sa trabaho.
Si Jasareno ay 14 taon nang nagtatrabaho sa Kamara at hindi ito ang unang beses na nakapulot siya ng mahalagang bagay.
Nasa tatlong cellphone na rin aniya ang kaniyang naisauli, kabilang na ang kay Muntinlupa City Rep. Rodolfo Biazon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.