Kulang na lamang ay ikampanya na ni Pangulong Benigno Aquino III si Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa kanyang huling State of the Nation Address.
Sa isang bahagi ng kanyang talumpati ay pinuri ng pangulo ang kakayahan at istilo ng pagtatrabaho ni Roxas. Sinabi nitong may ilan na hindi kayang iangat ang sarili kaya pilit ibinabagsak si Roxas. “Kay Secretary Mar Roxas: Nasa loob o labas ka man ng gobyerno, hindi tumigil sa panlalait sa iyo ang mga kalaban ng Daang Matuwid. Dahil nga may bilang ka, dahil talagang may ibubuga ka, nagpupursigi silang ibagsak ka. Palibhasa hindi nila kayang iangat ang sarili, kaya pilit ka nilang ibinababa,” ayon kay Aquino.
Sinabi ni PNoy na ang patuloy na paninira kay Roxas ay patunay lamang na marami ang takot sa kaniyang integridad, husay at kahandaan sa trabaho. Payo pa ni PNoy sa kalihim, magtiwala itong alam ng taumbayan kung sino ang tunay na inuuna ang bayan, bago ang sarili.
Karugtong nito ay ang pagsasabi ng pangulo na nasa publiko ang desisyon kung ang pagbabagong tinatamasa ngayon ay mananatili o magiging panandalian lamang.
Tanong ni PNoy sa mamamayan , “Lahat ba ng ating naipundar, lahat ba ng ating pinaghirapan, maglalaho dahil lang sa isang eleksiyon?”.
Habang binabanggit naman ito ni PNoy, pinagtabi-tabi sa big screen ang kuha ng camera kina Roxas, Senator Grace Poe at Vice President Jejomar Binay. Hindi naiwasan ng tatlo ang mangiti sa nakita sa big screen. / Alvin Barcelona, Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.