Nauwi sa tensyon ang demolisyon ngayong araw sa Quinta Market sa Quiapo Maynila.
Tinangka kasi ng mga tindera at tindero na tutulan ang demolisyon sa nasabing palengke sa pamamagitan ng paglikha ng human barricade.
Ayon sa mga matagal ng nagtitinda sa palengke, walang katiyakan ang paglilipatan sa kanila at mapapamahal din ang upa nila sa sandaling maisaayos na ang palengke at maisailalim na ito sa pamamahala ng pribadong kumpanya.
Ang ibang mga vendors ay nagmamakaawa at nag-iyakan para hilingin sa mga tauhan ng City Engineering Office na huwag nang ituloy ang demolisyon.
Gayunman, hanggang alas 6:00 ng umaga lamang kanina ang ibinigay sa kanila ng City Hall para lisanin ang kani-kanilang mga pwesto sa palengke at hakutin ang kanilang mga gamit at paninda.
Kalaunan ay namayani rin ang mga miyembro ng Civil Disturbance Management Unit ng Manila Police District at mga tauhan ng City Engineering Office at nasimulan ang demolisyon.
Pansamantala ay binigyan ng stalls sa harapang bahagi ng Quinta Market ang mga apektadong vendors. Nauna nang sinabi sa Radyo Inquirer ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na sinisiguro nila na mananatili sa kani-kanilang pwesto ang mga deka-dekada nang nagtitinda sa nasabing palengke.
Wala aniyang gagalawin sa pwesto at ibabalik din sila sa palengke kapag natapos na ang pagsasa-ayos nito./ Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.