Panukalang batas na 3-year term ng Chief of Staff ng AFP, muling binuhay
Umaasa si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na makita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kagandahan ng pagkakaraon ng tatlong taong termino ng Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Pimentel, ang mabilis na turnover ng Chief of Staff ng AFP ay nakakaapekto sa pagiging produktibo ng sandatahang lakas.
Inihain ni Pimentel ang House Bill (HB) No.3402 na naglalayon ng pagkakaroon ng fixed three-year term ng Chief of Staff.
Matatandaan na ang kahalintulad na inihaing batas ay na-veto ni dating Pangulong Noynoy Aquino apat na taon na ang nakararaan.
Dagdag pa ni Pimentel sa nakaraang 30 taon, ang AFP ay nagkaroon ng 28 Chief of Staff kung saan bawat isa ay nanungkulan ng mga nasa average na 12 buwan habang sa kaso naman ng huling 10 Chief of Staff ng AFP, ay nanungkulan lang ng average na 7 buwan sa pwesto.
Binigyang diin niya na ang counterpart ng Chief of Staff ng AFP sa United States na Chairman of the Joint Chief of Staff ay may fixed na two-year term.
Sa inihaing panukala, nanatili pa din ang absolute power ng presidente bilang Commander-In-Chief ng sandatahang lakas na magtanggal ng Chief of Staff anumang oras bago pa matapos ang tatlong taong termino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.