Banat ni Duterte kay Obama, laman pa rin ng report ng int’l media
Tinutukan pa rin ng international media ang pagmumura o pang-iinsulto na inabot ni US President Barack Obama mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagaman kaniya-kaniyang atake ang ginamit ng international media sa pagbabalita tungkol kina Duterte at Obama sa ASEAN summit gala dinner, mababatid pa rin ang pagkakapareho ng mga ito.
Bago ang gala dinner sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit, nagkaroon ng pagkakataon sina Duterte at Obama para makapag-usap sandali at makipag-kamay sa isa’t isa.
Sa balita ng Reuters na may headline na “Duterte, Obama shake hands and chat after rift over insult”.
Binanggit sa ulat ang pahayag ni Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay Jr. na masaya siyang nangyari ang maiksing pag-uusap ng dalawang pangulo at pinatunayan lang nito na hindi basta masisira ang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ang Associated Press ay may headline na “Obama, Duterte meet despite Filipino leader’s crude language”.
Mas matapang naman ang dating ng headline ng Washington Examiner na “Obama meets Philippine leader who called him ‘son of a bitch’.”
Binigyang diin naman dito ng Washington Examiner na ang dahilan kung bakit naantala ang sana’y pagpupulong nina Duterte at Obama sa unang araw ng ASEAN summit, ay dahil sa naging pahayag ni Duterte.
Binanggit rin dito ang pahayag ni White House deputy antional security adviser na si Ben Rhodes noong Martes, na hindi siya umaasang magkakaroon ng bilateral meeting.
Samantala, bahagya mang nabanggit sa Washington Times ang tensyon sa pagitan nina Duterte at Obama, mas pinagtuunan naman nila ng pansin ang pagkakahiwalay ng dalawa sa upuan sa gala dinner.
Idinetalye nila na anim na upuan ang pagitan ng dalawang pangulo at kung sinu-sino ang kanilang mga naging katabi, at na magkahiwalay rin ang dalawa sa “family photo” ng mga leaders.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.